Pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong:
“Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel.
“Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo.
Ipadadala ng anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga iskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tenga!”
PAGSASADIWA:
Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga.—Madalas itanong ng mga Italyano, “E` chiaro?” Nais nilang matiyak kung maliwanag ba ang ipinahayag nilang mensahe kaya nila itinatanong “Maliwanag ba?” Sa ebanghelyo, hindi na kailangan pang tanungin ang Panginoon. Napakalinaw ng kanyang paliwanag ukol sa talinhaga. Madali itong unawain. Wala ka nang maitatanong pa. Totoo, si Jesus ay isang mahusay na guro. Nagagawa niyang ituro ang kanyang mga aral nang buong linaw.