Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.
“Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
PAGSASADIWA:
Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.—Mga simpleng tao lang ang mga alagad ni Jesus at hindi gaanong nakapag-aral ngunit sila ang unti-unting nakakita sa nahahayag na Kaharian ng Diyos sa mga tandang ginawa ni Jesus. Kasabay ng taimtim na pakikinig nila sa mga pangangaral ni Jesus, malinaw nilang nauunawaan ang malalim na kahulugan ng pagkatao at pagka-Diyos ni Jesus. Nakakakita ang kanilang mga mata at nakakarinig ang kanilang mga tainga sapagkat hinahanap nila ang liwanag at bukás ang kanilang isipan at puso na tumanggap sa Panginoong Jesus na siyang tunay na mukha ng Diyos. Sila nga ang tunay na mapalad at pinagpala.
Ang mga salita ng katotohanan na ipinunla ni Jesus sa kanilang mga puso ay sumibol, nagkaroon ng buhay, tumubo, at lumago. Sa pakikiisa nila sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos, sila ang pinagpala na makita ang pagbubunyag ng Panginoon na kinasasabikang makita at marinig ng mga propeta. At dahil sila ang pinagpala, tatamasahin nila ang kaligayahan at kapayapaan ng pamumuhay ayon sa aral at pamamaraan ng Panginoon.