CLEVELAND (AP) — Tumabo sa takilya ang unang dalawang laro ng pamosong ‘trilogy’ ng Golden State Warriors at Cleveland Cavaliers at ang kasalukuyang NBA Finals ang pinakapinanood ng mundo mula nang 1998 sa panahon ni Michael Jordan sa Chicago Bulls.
Sa kabila ng magkasunod na dominanteng panalo ng Warriors, umabot sa 19.6 milyon ang nanood sa Finals sa opisyal na pahayag ng Nielsen company nitong Lunes (Martes sa Manila).
Mas mataas ito ng limang porsiyento sa 18.6 milyon na nanonood noong 2016.
Ang 132-113 panalo ng Golden State nitong Linggo (Lunes sa Manila) sa Game 2 ay may average 20.1 milyon viewer, tumaas ng 13 porsiyento sa Game 2 ng Finals sa nakalipas na taon at pinakamarami mula nang magharap ang Chicago at Utah.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng NBA na nagharap sa Finals ang dalawang magkaribal na koponan sa tatlong sunod na season.