MATAGAL nang nagrereklamo ang mga gumagamit ng Internet sa Pilipinas tungkol sa napakabagal nitong serbisyo sa bansa.
Ang huling pagkumpirma sa katotohanang ito ay nangyari kamakailan nang matuklasan ng State of the Internet Report para sa huling tatlong buwan ng 2016 na ang Pilipinas ang may pinakamabagal na Internet sa lahat ng bansa sa Asia-Pacific sa 4.5 megabits per second (mbps). Mas mabilis pa nang kaunti ang India sa 5.6 mbps.
Napakalayo ng kaibahan nito sa bilis ng Internet sa South Korea — nasa 26.1 mbps—kaya naman nangunguna ito sa listahan. Ang nangunang sampung bansa ay binubuo rin ng Norway sa 23.6 mbps; Sweden, 22.8 mbps; Hong Kong, 21.9 mbps; Switzerland, 21.2 mbps; Denmark, 20,7 mbps; Finland, 20,6 mbps; Singapore, 20.2 mbps; Japan, 19.6 mbps; at Netherlands, 17.6 mbps.
Sa mundo na halos lahat ng gawain, partikular sa negosyo at kalakalan, ay nakasalalay sa Internet, ang mabagal nitong serbisyo sa ating bansa ay nakapipigil sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Ang isang industriya lamang sa Pilipinas na labis na umaasa sa Internet — ang business process outsourcing — ay kumikita ng nasa P2 bilyon kada buwan. Ang nasabing industriya at ang iba pang negosyo ay higit na makaaalagwa ng kanilang kita kung mas mabilis sana ang Internet sa ating bansa.
Ilang buwan na ang nakalipas nang umusbong ang pag-asa ng mga gumagamit ng Internet sa Pilipinas nang mabili ng Philippine Long Distance Co. at Globe Telecom, na nangangasiwa sa dalawang nangungunang system na Smart at Globe, ang 700-megaherz frequency mula sa Miguel Corp. (SMC) at nangako silang pag-iibayuhin ang kani-kanilang serbisyo.
Gayunman, napurnada ang kanilang mga plano nang hilingin ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pagbusisi sa kasunduan na inaprubahan ng National Telecommunications Commission (NTC), iginiit na maaaring nahadlangan nito ang pagpasok sana ng ikatlong telecom firm sa bansa. Nagpalabas ang Court of Appeals (CA) ng writ of preliminary injunction laban sa PCC, na kaagad namang umapela sa Korte Suprema. Dito na nahinto ang usapin hanggang sa araw na ito.
Kamakailan, hiniling ng PLDT at Globe na mabayaran na nila ang kanilang final instalment sa kasunduan sa SMC, upang maisakatuparan na nila ang kanilang mga pinaplano sa bansa. Sinabi naman ng PCC na makaaapekto ito sa ibababang desisyon ng CA at ng Korte Suprema.
Ang bawat araw na nasasayang sa mga planong ito ng telco ay isang araw ng pagtitiis ng bansa sa reputasyon bilang may pinakamabagal na Internet sa mundo. Kung madaling mareresolba ang usapin, mas madali rin para sa atin na makinabang sa mga hakbangin ng mga pangunahing telecom firm upang iangat ang bansa mula sa pangungulelat sa listahan.