Iniulat kahapon ng Malacañang na nagawang makapagligtas ng 179 na sibilyan sa Marawi City sa apat na oras na “humanitarian pause” ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ‘Mindanao Hour’ press briefing sa Malacañang kahapon ng umaga, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ang 179 na sibilyan ay na-rescue mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali ng Linggo.
Sinabi ni Abella na bukod pa ito sa 95 iba pang sibilyan na nailigtas ng militar bandang 6:00 ng umaga nitong Linggo sa Dansalan area.
Gayunman, sinabi ni AFP Spokesperson Restituto Padilla na lumabag pa rin ang mga terorista sa humanitarian pause.
“They caused the wounding of two of our men who were escorting the humanitarians into the area and earlier, the day prior, or earlier on, there were, there was a civilian who was hit by a sniper fire,” ani Padilla. “So these are proof and testament to the disregard for civilian lives by these criminal elements.”
Nananatili pa rin ang bilang ng mga nasawi sa bakbakan: 120 terorista, 38 sundalo at pulis, at 20 sibilyan.
Nasa 1,467 naman ang kabuuang bilang ng mga na-rescue na sibilyan hanggang sa datos nitong Linggo ng gabi.
MNLF FIGHTERS SA MARAWI
Samantala, bubuo muna ng protocol ang militar bago pahintulutang sumali sa bakbakan laban sa Maue ang nasa 2,000 mandirigma ng Moro National Liberation Front (MNLF).
“Right now we don’t have the appropriate protocols, we don’t have the appropriate coordinative elements on the ground to make this happen,” ani Padilla. “So, this may come later after the resolution of the Marawi incident but not during this time kasi hindi pa tayo nakakaupo para pag-usapan ito at paano ito i-implement.”
Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na nag-alok si MNLF founding chairman Nur Misuari na magpapadala ng 2,000 tauhan nito upang tulungan ang militar at pulisya sa paglipol sa Maute.
OPENSIBANG 24-ORAS
Binanggit din ni Padilla sa press briefing na bagamat determinado ang militar na tapusin na kaagad ang karahasan sa Marawi sa pamamagitan na rin ng 24/7 operation sa siyudad, patuloy silang nahaharap sa sari-saring “complications”, gaya ng paggamit ng Maute ng mga sibilyan bilang human shields at pagkukubli ng mga ito sa mga mosque, na isang banal na lugar at hindi maaaring paputukan ng mga militar.
“Our commanders have tried to meet the deadline. There’s no denying that. We have gone all out. We have done all our best and we have been operating 24/7. This operation will continue at that pace, we will not change that,” sabi ni Padilla.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte nitong Sabado ng gabi na kayang-kayang matuldukan ang krisis sa Marawi “in about three days”. (Argyll Cyrus Geducos at Genalyn Kabiling)