Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.
Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tenga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tenga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid.
Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
PAGSASADIWA:
Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.—Marami sa ating mga sinasabi ay nagmumula sa ating mga naririnig. Kung walang naririnig ang tenga, maaaring wala ring sabihin ang ating bibig. Inilagay ni Jesus ang kanyang daliri sa tenga ng bingi at hinipo niya ang dila nito upang buksan ang kanyang pandinig at kalagan ang kanyang dila.
Ang pagpapagaling ni Jesus ay hindi lang isang katuparan ng nasusulat sa Matandang Tipan. Isa rin itong paglalarawan sa kahalagahan ng dalawang mahalagang biyayang kaloob ng Diyos sa atin—ang pandinig at ang kakayahang magsalita. Ang mga kaloob na ito ay may kalakip ding hamon sa atin. Hinahamon tayo ni Jesus na pakinggan ang kanyang mga salita at ipahayag ito sa pamamagitan ng ating bibig. Kung hindi natin siya pakikinggan, wala din tayong Mabuting Balitang ipapahayag sa iba.