Halos 400 pasaway na pulis sa Metro Manila ang aatasang maglinis sa Pasig River sa bandang malapit sa Malacañang Palace bilang parusa sa kanilang pagsuway sa iba’t ibang alituntunin ng pulisya.
Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), personal niyang sasamahan ang 387 tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para iharap kay Pangulong Duterte sa Malacañang.
Inilarawan ni Duterte kamakailan ang PNP bilang “rotten organization to the core” sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa iba’t ibang krimen, sat inatasan ang PNP na tigilan na ang anti-drugs war nang masangkot ang ilang miyembro ng anti-narcotics unit sa kidnap-slay noong Oktubre sa South Korean executive na si Jee Ick-joo.
Gayunman, nilinaw ni Dela Rosa na ang 387 pulis mula sa NCRPO ay hindi nahaharap sa mga seryosong pagkakasala, tulad nina SPO3 Ricky Sta. Isabel at Supt. Rafael Dumlao na isinasangkot sa kidnap-slay.
“They are just facing minor offenses. They are supposed to be due for retraining to the values leadership school at Subic,” sabi ni Dela Rosa.
Pero sa halip na magtungo sa Subic, mas minabuti ni dela Rosa na ipalinis sa kanila ang Ilog Pasig sa banda ng Malacañang.
Aniya, aalisin ng mga pulis ang mga water lily na humahadlang sa maayos na pag-agos ng tubig sa malapit sa presidential house at sa Bahay Pangarap sa loob ng Palasyo.
Kamakailan, isinailalim ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde sa retraining ang 387 pulis na lumabag sa iba’t ibang alituntunin ng pulisya. (Aaron Recuenco)