Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? ‘Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon, at Judas? Di ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang Propeta.” At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
PAGSASADIWA:
Wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya.—Hindi nakita ng mga kababayan ni Jesus ang larawan ng Diyos sa katauhan ni Jesus sapagkat malayo sa kanilang inaasahan ang pagiging ordinaryo ni Jesus para makagawa ng mga hindi pangkaraniwang bagay katulad ng mga himalang kanyang ipinakita. Nabulag sila sa maling paniniwala na ang Diyos ay makikita lamang sa mga hindi pangkaraniwang bagay at karanasan. Dahil sa kakulangan ng kanilang pananampalataya, ang nakita nila ay ang pagiging pangkaraniwan ni Jesus at hindi ang kapangyarihan ng Diyos na maaaring kumilos maging sa anyo ng mga pangkaraniwang bagay o tao man.
Naging matabang din ang kanilang pagtanggap kay Jesus sapagkat hindi sila naniniwala na maaaring magmula sa kanilang hanay ang Mesiyas dahil sa mababa nilang pagkilala sa kanilang pinagmulan. Bunga na din marahil ng inggit, hindi sila makapapayag na malamangan sila ng isang taong para sa kanila ay katulad lang nila.