IDARAOS ang ikalawang bahagi ng Halal Tourism Expo sa Davao City ngayong summer.
Ito ang inihayag ni Marilou Ampuan, chairperson ng Halal Committee ng Philippine Tourism Congress, sa Davao Business Forum nitong Martes.
Sinabi ni Ampuan na dadalo sa pagtitipon ang mga lumilikha ng mga produktong halal mula sa Indonesia, Malaysia, at Pilipinas.
“We are targeting a double figure of the 200 halal business exhibitors who joined last year,” dagdag niya.
Sinabi ni Ampuan na naging maganda ang tugon ng publiko sa expo noong nakaraang taon.
Ipinakita rin sa publiko ang iba’t ibang uri ng produktong halal na hindi lamang pagkain.
Ibinahagi niya na ang ganitong exposition ay nagbigay-pahintulot sa kanila upang mamulat ang publiko sa saklaw ng halal.
Binigyang-diin niya na ang Halal Tourism Expo ay bilang suporta sa programa ng Department of Tourism (DoT), na ang mga establisimyentong pangturismo, tulad ng mga restaurant, ay halal-certified.
Dagdag pa niya, sinimulan ang programa sa 50 establisimyento sa bansa, kabilang ang sampung hotel at restaurant sa Davao.
Sa sampu, walo sa mga establisimyento ang nakakumpleto ng sertipikasyon, tulad ng Marco Polo Hotel, Waterfront Hotel, El Bajada Hotel, Pearl Farm Beach Resort, Villa Margarita, Sunny Point, Zabadani, at Romacari.
Ipagpapatuloy pang ipakakalat ng grupo ng Islamic Chamber of Commerce and Industry, na nagsisilbing kalihim si Ampuan, ang kanilang adbokasiya para maabot ang lahat ng sektor na kabilang sa pagtataguyod ng halal upang matamo ang wastong proseso sa produksiyon ng mga halal product. (PNA)