NAPAKAGANDA siguro ng role na gagampanan ni Regine Velasquez-Alcasid kaya hindi niya natanggihan ang offer ng GMA Network na makasama siya sa Mulawin vs Ravena.
Unang pagkakataon ito ni Regine na gumawa ng isang telefantasya.
In line sa battlecry ng Kapuso Network na Lipad 2017, ito na siguro ang pinakaengrandeng project na gagawin nila ngayong taon. Tiyak na magpapakita na naman sila ng spectacular special effects na naging trademark na nila.
Pangungunahan ang Mulawin vs Ravena ni Dennis Trillo kasama ni Regine. Bida rin sa serye ang hottest young love teams nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali, Derrick Monasterio at Bea Binene.
Makakasama nila sina Chynna Ortaleza, Dion Ignacio, Winwyn Marquez, Kiko Estrada at Roi Vinzon.
Pero tiyak na habang ipinapalabas ang telefantasya, may mga madadagdag pang mga artista. Naalaala namin ang sinabi ni Direk Mark Reyes ng Encantadia na walang main stars nila na papasok sa Mulawin.
Ididirek nina Dominic Zapata at Don Michael Perez ang Mulawin vs Ravenna. Si Direk Don Michael din ang headwriter ng telefantasya, with Helen Rose Sese as program manager.
Malamang na ito raw ang ipapalit sa Encantadia na extended pa rin sa primetime block ng GMA-7, pagkatapos ng 24 Oras.
(NORA CALDERON)