PARA sa mga umaantabay (observers) sa takbo ng pulitika sa bansa, nagtataka sila kung bakit binawi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon niya kay Vice President Leni Robredo para sa vin d’honneur na ginanap sa Malacañang.
May sapantaha tuloy ang taumbayan na bukod sa pagiging palamura ng pangulo, siya pala ay isa ring pikon. Ibig sabihin, hanggang ngayon ay napipikon siya kay beautiful Leni dahil umano sa pagdalo sa mga rally at demo na ang layunin ay patalsikin siya sa puwesto.
Kung natatandaan pa natin, ito rin ang dahilan ni Mano Digong kung bakit pinagsabihan si VP Leni na huwag nang dumalo sa mga cabinet meeting. Mahigpit na tinanggihan ng biyuda ni ex-DILG Sec. Jesse Robredo na nais niyang patalsikin si PDu30. Hangad pa nga raw niya ang tagumpay nito sa paglutas sa ilegal na droga, kriminalidad at kurapsiyon sa gobyerno.
Nilinaw niya na ang kanyang pagdalo sa mga rally at demo ay tungkol lang sa pagkontra sa paghimlay kay ex-Pres.
Ferdinand Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, pagpapatupad ng death penalty at extrajudicial killings, at hindi ang pagpapatalsik sa pangulo.
Kung si ex-President at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ay kilala sa pagiging mataray noong siya ay nakapuwesto, si Mano Digong naman daw ay unti-unting nakikilala ngayon bilang isang pikon. Si GMA ay tinaguriang “TARAY QUEEN”, at kung hindi raw magbabago si PDu30 sa kanyang pakikitungo kay VP Leni at mga kritiko, baka siya ay bansagang “PIKON KING”.
Base sa mga balita, si VP Robredo ay pinadalhan ng Malacañang ng imbitasyon noong Disyembre 28 para sa vin d’ honneur pero binawi ito noong Enero 4. Nang tanungin si Presidential Spokesman Ernesto Abella kung bakit binawi, hirap na hirap sa pagpapaliwanag at halos mabulol sa ibinigay na dahilan. Ikinatwirang pribilehiyo raw ng pangulo kung sino ang dapat isama sa guest list, at limitado lang daw ang listahan. Napakababaw na dahilan! Sabi naman ni Communications Sec. Martin Andanar, binawi ang imbitasyon dahil parang “awkward” daw kung naroroon si VP Leni dahil hindi siya kasundo ng pangulo.
‘Di ba ito rin ang katwiran ng Malacañang noong hindi imbitahan si VP Leni sa panunumpa ni Duterte bilang pangulo ng bansa?: “Limitado ang espasyo”. Tinanggihan din ang sabay na panunumpa ng bagong… halal na pangulo at ng bise presidente kaya pinili ni Robredo na manumpa sa ibang lugar.
Batay sa Social Weather Station (SWS) survey, 70% Pilipino ang salungat sa martial law. O, pito sa 10 Pinoy ay ayaw ng martial law. Maaaring may trauma pa ang mga mamamayan sa martial law na idineklara ni ex-Pres. Marcos noong 1972.
Sapantaha nga ng mga political observer, baka kung ipagkaloob ito ng Kongreso at Supreme Court, baka lalong maging talamak ang araw-araw na patayan. Baka hindi lang daw drug pushers at users ang pagpapatayin kundi maging political enemies.
Gayunman, naniniwala ako na hindi ito gagawin ni President Duterte. Siya ay isang abogado na batid ang mga batas, naging alkalde ng Davao City sa loob ng maraming taon. Ngayong siya na ang ama at lider ng Pilipinas at ng mga mamamayan, ang hangarin niya ay para sa kabutihan, kagalingan, kaunlaran at kapayapaan ng lahat! (Bert de Guzman)