TAMPOK ang mga pinagdaanan sa buhay ni Karla Estrada, gagampanan ni Angelica Panganiban, ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Nakasanayan ni Karla ang marangyang buhay hanggang sa isang araw ay pumanaw ang kanyang lolo na tumutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Napilitan silang lisanin ang kinagisnang buhay at lumipat sa lungsod ng Tacloban.
Sa kabila ng nararanasang kahirapan sa buhay, nanatiling determinado si Karla sa pag-abot sa kanyang pangarap na maging sikat na artista. Lakas-loob siyang sumali sa singing contests pero lagi siyang pinipigilan ng kanyang ina para iiwas siya sa pamimintas ng ibang tao.
Hindi natinag si Karla at nagpatuloy pa rin ang pagkanta. Dumating ang pinakahihintay niyang pagkakataon nang madiskubre siya sa isang music hub sa Quezon City na nagbigay-daan sa kanya para makapasok sa That’s Entertainment.
Biglaang kasikatan ang natamo niya ngunit sa kasagsagan ng tagumpay, hindi inaasahang nabuntis siya.
Paano hinarap ni Karla ang kanyang pagbubuntis lalo na at nasa rurok siya ng kanyang career?
Makakasama ni Angelica sa episode na ito sina Alexa Ilacad, Sharmaine Suarez, Carlos Morales, JhaiHo, Cheska Billiones at Roy Requejo, mula sa panulat nina Arah Badayos at Mae Rose Balanay at sa direksiyon ni Efren Vibar.