Kasabay ng planong isapubliko ang kanyang listahan ng narco-politicians, plano rin ni Pangulong Duterte na ipatawag ang mga alkalde na sangkot sa illegal drug operations at sila’y kumprontahin kaugnay ng umano’y ilegal nilang aktibidad.
Sa pagnanais na mapatalsik ang mga bugok sa gobyerno, sinabi ng Pangulo na sisiguruhin niyang magsasabi ng totoo ang mga alkalde tungkol sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga, dahil kung hindi, pagbibitiwin niya sa puwesto ang mga ito.
“The next batch would really be… Tatawagin ko ang mga mayors. I-lock ko. Kami-kami lang. Sabihin ko talaga sa kanila…Ganun kakapal [ang listahan] pakita ko sa inyo… hanapin mo pangalan mo d’yan, mayor. Ta** ina ‘pag nandyan ang pangalan, talagang may problema ka. Talagang papatayin kita,” pahayag ng Pangulo sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malacañang.
“Either you resign or make a clean breast of everything, come up with a clean nose and we’ll talk,” ayon sa Pangulo, na may hawak ng listahan mga pulitikong inuugnay sa illegal drug trade.
Sinabi rin ni Duterte na plano niya ring ilabas ang mga pangalan ng opisyal ng gobyerno na umano’y sangkot sa droga.
“I will make it public. Binitawan ko na so you can get a look of who’s there or who’s not,” aniya.
(Genalyn D. Kabiling)