Cavs, wagi kahit wala si Irving; Thunder at Bucks malupit.
CHARLOTTE, North Carolina (AP)— Walang Kyrie Irving, walang problema para sa Cleveland Cavaliers.
Magaan na ginapi ng Cavaliers, sumabak na wala ang pamosong point guard bunsod ng injury sa kanang hita, ang Charlotte Hornets, 121-109, nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Hataw si LeBron James sa natipang 32 puntos, tampok ang 17 sa first quarter, habang kumana si Kevin Love ng 28 puntos at 10 rebound para sa sandigan ang Cleveland sa impresibong panalo.
Nagtamo ng injury si Irving sa 124-118 panalo kontra Boston nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Naitarak ni James ang 6-for-7 sa field sa first quarter, kabilang ang perpektong 3-for-3 sa three-pointer, samantalang kumubra si Love ng 15 puntos sa second hald para mahila ang bentahe sa 71-59 sa halftime.
Nanguna sa Hornets si Kemba Walker sa naiskor na 37 puntos, habang kumana si Frank Kaminsky ng 15 puntos at nalimitahan si Nicolas Batum sa 13 puntos at walong assist.
THUNDER 114, CLIPPERS 88
Sa Oklahoma City, muling nanalasa si Russell Westbrook sa nasalansan na 17 puntos, 14 assist at 12 rebound para sa ika-16 triple-double ngayong season sa panalo kontra Los Angeles Clippers.
Naglaro lamang si Westbrook sa loob ng 28 minuto kung saan tirik sa double digit ang bentahe ng Oklahoma City. Nag-ambag si Enes Kanter ng 23 puntos at walong rebound at kumana si Victor Oladipo ng 15 puntos.
Naglaro ang Clippers na wala si Chris Paul, may iniindang injury sa hita, gayundin si Blake Griffin, sumailalim sa surgery ang kanang tuhod. Nanguna sa Clippers sina Brandon Bass at Marreese Speights na may tig-18 puntos.
BUCKS 116, BULLS 96
Sa Chicago, ratsada si Giannis Antetokounmpo sa natipang 35 puntos at kumabig si Jabari Parker ng 27 puntos sa panalo ng Milwaukee Bucks kontra sa Bulls.
Hinigitan ng Bucks ang Bulls 36-20 sa fourth period upang umarya mula sa dikit na laban tungo sa dominanteng panalo matapos ang apat na sunod na kabiguan.
Nag-ambag sina Malcolm Brogdon ng 15 puntos, 12 assist at 11 rebound, at kumubra si Greg Monroe ng 15 puntos at 12 board.
Inalat si Chicago star point guard Rajon Rondo, ngunit bigo ring makaporma si Michael Carter-Williams para matamo ng Bulls ang ikawalong kabiguan sa huling 11 laro.
Kumana si Jimmy Butler ng 26 puntos para sa Chicago, habang humugot si Robin Lopez ng 12 puntos at 10 rebound.
GRIZZLIES 112, KINGS 98
Sa Sacramento, California, kumawala si Mike Conley sa depensa ng Kings para sa 22 puntos at walong rebound sa tagumpay ng Memphis Grizzlies sa road game.
Naitala ni Mychal Green ang apat sa 17 three-pointer ng Memphis para sa kabuuangh 18 puntos. Kumubra sina Zach Randolph at Vince Carter ng tig-14 puntos at humugot ng tig-11 puntos sina Tony Allen at Troy Daniels.
Nanguna si DeMarcus Cousins sa Kings sa naiskor na 26 puntos, walong assist at limang steals para sa Sacramento, nagtamo ng back-to-back loss matapos ang four-game winning streak.
JAZZ 91, SUNS 86
Sa Salt Lake City, bumira si Rudy Gobert ng 18 puntos at 13 rebound, habang lumarga si Gordon Hayward ng 18 puntos at siyam na rebound, sa panalo ng Utah Jazz kontra Phoenix Suns.
Nag-ambag si Rodney Hood ng 13 puntos sa ikatlong sunod na panalo ng Jazz para sa 21-13 karta.
ROCKETS 129, KNICKS 122
Sa Houston, naitala ni James Harden ang ikawalang sunod na triple-double — 53 puntos, 17 assist at 16 rebound – sa panalo ng Rockets laban sa New York Knicks.
Naitala ni Harden ang career high para sa puntos at dami ng three-pointer sa siyam. Nalagpasan niya ang career best na 51 puntos.
Naitala ni Harden ang 30 puntos, 13 rebound at 10 assist sa panalo laban sa Clippers nitong Biyernes.