Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung makita n’yong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin n’yong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kung tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid.
“Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa.
PAGSASADIWA:
Makikilala nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.—Kung mangyayari na nga ang katapusan ng mundo, handa ka na bang humarap sa Panginoon? Bakit nga ba hindi tayo nagiging handa? Hindi tayo nagiging handa kung may mga bagay pa tayong hindi nabibigyan ng solusyon katulad ng pakikipagkasundo sa ating kapwa na nakasamaan natin ng loob o nakaaway natin. Maaari din namang dahil sa may pagkukulang pa tayo na dapat nating punuan. O kaya ay hindi pa natin natutupad ang ating mga pangarap sa buhay.