IKA-14 ngayon ng Nobyembre. Isang karaniwang araw, Lunes, at balik-trabaho na ang mga manggagawa sa pinapasukang pabrika, opisina, gayundin ang mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan.
Ngunit para sa mga taga-Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas, isang bayang malalim ang pananampalataya at matapat ang pagpapahalaga ng mamamayan sa namanang tradisyon at kultura at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos “Botong” Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro, ang Nobyembre 14 ay mahalaga sapagkat simula na ito ng siyam na gabing nobena-misa kay San Clemente—ang patron saint ng Angono. Si San Clemente ang ikatlong Papa sa Roma.
Paghahanda ang nobena-misa sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Clemente at ng Angono sa darating na ika-23 ng Nobyembre. At sa Nobyembre 14, simula na rin ng pagtupad sa panata at sayaw ng mga deboto sa kanilang patron saint.
Ang sayaw ng mga deboto ay ginagawa sa harap at patyo ng simbahan matapos ang misa-nobena para kay San Clemente.
Panatang ipinatutupad sa loob ng siyam na gabi. Bahagi ito ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap sa pananalangin at intercession ni San Clemente. Sa pagkakaligtas sa sakuna at karamdaman.
Walang tiyak na tawag sa sayaw. Gumagalaw at umiindak ang mga deboto sa tugtuging martsa ng banda. Ang tatlong tugtuging martsa ay orihinal na komposisyon ni Maestro Lucio San Pedro. Sa pagtatapos ng tugtugin, masayang kumakalembang ang mga kampana ng simbahan. Kasunod ang sabay-sabay na sigaw ng mga deboto ng: “Viva San Clemente!” Sa unang gabi ng nobena misa ginagawa ang unang prusisyon.
Ang nobena-misa ay nagsisimula ng 6:00 ng gabi at laging napupuno ng mga deboto ang simbahan. Tampok sa nobena ang Rosario Cantada na susundan ng misa. Sa siyam na gabing nobena-misa, mapapansin na ang mga paring nagmimisa ay pawang taga-Angono.
Sa misa, inaawit ng choir ang Dalit (awit-panalangin) kay San Clemente na isinulat ng National Artist na si Maestro Lucio San Pedro. May siyam na saknong ang Dalit kay San Clemente. Narito ang bahagi ng awitin: “Mapaghimala ka Santo, Papa’t martir ni Kristo… Ikaw ang siyang hinirang/Ng hari sa kalangitan/Magkupkop nitong bayan/ Na Angono ang pangalan. Ulian ka ngang totoo/ng aasalin sa mundo”.
Sumasagot ang mga tao ng: “San Clemente, pakamtan mo sa amin ang iyong saklolo.”
Matapos ang misa, dalawang beses sisigaw ang pari ng “Viva San Clemente!” Sagot naman ng mga nagsimba ay… “Viva!”
Susundan ito ng Awit kay San Clemente na binuo rin ni Maestro Lucio San Pedro. Masaya ang himig. Narito ang bahagi ng lyrics: “San Clemente Papa’t martir/ni Kristong Panginoon/Aming isinasamo/ Pagpalain bayan namin/ San Clemente. San Clemente/Awit nami’y iyong dinggin/ San Clemente, San Clemente/ bayan nami’y ampunin.”
Palibhasa’y simple ang lyrics, madali itong nakakabisado, gayundin ang himig. Madaling natutunan ng mga taga-Angono at ng mga deboto at maging ng kabataan. (Clemen Bautista)