KAMAKAILAN, isa na namang road rage incident ang nangyari nang isang traffic enforcer ang binaril at napatay ng isang motorista dahil sa alitan sa kalsada sa Quezon City.
Umabot sa Bulacan, Nueva Ecija at Cagayan Valley, ang habulan ng pulisya at suspek matapos tangkain ng huli na makatakas sa kamay ng batas. Kay haba-haba man daw ng prusisyon, sa kulungan din ang bagsak ng hinayupak na suspek.
Dahil sa bugso ng damdamin, marahil ay matindi ang pagsisisi ng suspek sa kanyang nagawa. Dahil hinayaan ang emosyon na mangibabaw sa tamang pag-iisip, nakagawa siya ng isang karumal-dumal na krimen.
Hindi na kataka-taka na pinagsisisihan ngayon ng suspek ang kanyang nagawa habang naghihimas ng malamig na rehas na bakal sa piitan.
Kaya sa mga motorista, kalma lang sa gitna ng trapiko.
Sa tindi ng pagsisiksikan ng mga sasakyan sa lansangan na araw-araw nating nararanasan, paano n’yo inaaliw ang inyong sarili upang maiwasan ang pag-init ng ulo o pagkaburyong?
Sa pagbuhos ng bagong teknolohiya para sa mga modernong sasakyan, sari-saring onboard entertainment ang kinaaaliwan ng mga pasahero habang naiipit sa traffic.
Bukod sa tinaguriang “multi-media” system, na ang stereo system ay may kasamang full LCD video, videoke system, global positioning system, reverse view camera at iba pa.
Sa isang pindot sa function button, nag-iiba ang imahe sa LCD display na nakakaaliw para sa driver at mga pasahero.
Andyan na rin ang tinaguriang “magic box” na ikinakabit sa sasakyan upang makuha ang signal ng iba’t ibang istasyon ng telebisyon.
Habang hindi umuusad ang sasakyan, nakapanood kayo ng mga nagbabagang balita hinggil sa traffic.
Dati, umaabot sa pustahan ng mga pasahero ang dahilan ng pagbubuhol ng daloy ng mga sasakyan sa kanilang ruta.
Banggaan ba ng sasakyan? Mayroon bang nasagasaang pedestrian? Mayroon bang tumirik na kotse, o may nabundol na siklista?
Ngayon, isang pindot lang sa “Waze” app, mayroon agad na abiso kung ano’ng dahilan ng matinding trapiko.
Sa pamamagitan ng Waze, maaari ring makipag-ugnayan ang driver at mga pasahero sa ibang motorista na naiipit sa traffic sa pamamagitan ng pagbibigay ng update.
Pero ang paborito ni Boy Commute ay ang onboard videoke system.
Marami na ngayong multi-media audio system ang mayroong videoke mode kaya maaari nang magkantahan ang mga pasahero habang naiipit sa traffic ang kanilang sasakyan.
And now…the end is near…and so I face…the final curtain!
I did it my waaaaaay!
Kahit itodo n’yo ang volume ng audio, tiyak na walang babaril sa inyo.
O ‘di ba, astig?! (ARIS R. ILAGAN)