Naisalpak ni Monbert Arong ang krusyal na basket mula sa dominanteng depensa ni Prince Orizu para maisalba ang 51-49 panalo ng Far Eastern University kontra University of the East kahapon sa UAAP Season 70 seniors basketball tournament sa Smart-Araneta Coliseum.
Umiskor si Arong may 14.6 segundo sa laro para maibigay sa Tamaraws ang 50-47 bentahe tungo sa ikatlong panalo sa limang laro ng defending champion.
Nakakuha ng pagkakataon si Arong matapos ang magkasunod na depensa ni Orizu, tampok ang pambutata kay John Espanola.
Samantala, pinatatag ng University of the East ang kampanya sa women’s division nang pabagsakin ang Ateneo de Manila, 60-50.
Hataw si Love Sto. Domingo sa naiskor na 18 puntos at siyam na rebound para sandigan ang Lady Warriors sa ikaapat na panalo sa limang laro.
“Naguluhan ako sa players ko, pero maganda na nung fourth quarter, nakapag-adjust kami sa offense,” pahayag ni coach Aileen Lebornio.