Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
PAGSASADIWA:
Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.—Sa ating kapanahunan ngayon, usung-uso ang mga salitang nag-uugnay sa bawat isa gaya ng “kapuso”, “kapamilya”, “kapatid”, at marami pang iba.
Sa ebanghelyo, ipinakita kung sino nga ba ang kamag-anak ni Jesus. Ang pagkakaugnay kay Jesus ay hindi limitado sa pagiging kadugo niya kundi sa pagsunod sa kanyang mga utos. At ang katayuang ito ay higit na binigyan ni Jesus ng pagpapahalaga, sapagkat maituturing na tunay na kaugnay ni Jesus ang isang taong marunong makinig at sumunod sa kanyang kalooban. Ang ating pamumuhay at pagkilos nang naaayon sa kanyang utos ang siyang tunay na mag-uugnay sa atin kay Jesus na hindi masisira ng anumang bagay maliban sa kasalanan.