Dumaan si Jesus sa mga lungsod at mga nayon, na nangangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya:
“Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at hindi makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’
“Kaya sabihin n’yo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’
‘Sa makipot na pintuan’
Nang mangaral si Jesus dito sa lupa, inilipat ng mga tao sa kanya ang iba’t iba nilang mga hangarin sa buhay.
Mayroong taimtim na naghahanap sa katotohanan at sadyang nagpagabay kay Jesus. Ano nga raw ba sa lahat ng mga utos ang dakila sa lahat? Paano makakapasok ang tao sa paghahari ng Diyos sa Langit? Mayroon din namang nagtanong hindi para humanap sa katotohanan kundi para lamang siluin siya. Ang ilan ay nagmatyag sa kanyang bawat kilos at galaw, at pati ang kanyang mga itinuturo. Mayroon din namang lumapit kay Jesus para sa pansariling interes tulad ng kanyang mga apostol na sina Jaime at Juan na naghahangad ng puwesto at kapangyarihan, at mayroon ding nag-aakala na mamamagitan si Jesus sa away-pamilya ukol sa pinag-aagawang mana.