RIO DE JANEIRO – Lumaban, ngunit kinulang ang tatlong atletang Pinoy sa kanilang kampanya na mabigyan ng pag-asa ang pangarap ng Team Philippines para sa minimithing gintong medalya sa XXXI Rio Olympics sa Sabado ng gabi (Linggo sa Manila).
Nakatuon ang atensiyon ng delegasyon kay Ian Lariba sa preliminary round ng table tennis, subalit kinapos ang Philippine flag-bearer sa kanyang opening match kontra kay naturalized Xing Han ng Congo sa straight set, 11-7, 13-7, 11-9, 11-7, sa Riocentro Pavillion 3.
“There’s still some things lacking in my game. I can still feel the tension. But I will learn from this experience,” pahayag ng 21-anyos, UAAP Athlete of the Year mula sa La Salle.
Naidikit ni Lariba, world 325th-rank, ang laban kay Han sa second kung saan nakuha pa niya ang set point subalit nakabawi ang kanyang karibal, No.161 sa world ranking, para sa 11-13 panalo.
“May moments na pigil ang palo ko. I know na kaya ko pero may kulang pa.”
“Madami ako natutunan, more on self control and how to overcome this stage. Masaya. I enjoyed nung nasa gitna ako. There’s reason behind everything.”
Mula sa table tennis, lumipat ang delegasyon ng Pilipinas sa swimming competition para suportahan ang laban ni Jessie Khing Lacuna, sumabak sa kanyang ikalawang sunod na Olympics.
Ngunit, tulad ng karanasan apat na taon na ang nakalilipas, kabiguan ang nakamit ng 22-anyos na Ateneo student na tumapos sa ikaanim sa Heat 2 ng 400m freestyle.
Naitala niya ang tyempong apat na minuto at 01.70 segundo, malayo sa kanyang personal best na 3:55:34. Sa finals kung saan nagwagi si Mack Horton ng Australia (3:41.55) ang tyempo ni Lacuna ay malayo pa rin kumpara sa ikawalong swimmer na si Jordan Pothain ng France (3:49:07).
Umaasa ang bayan sa pamosong boxers, subalit hindi rin kinasiyahan ang kampanya ni lightweight Charly Suarez, ipinapalagay na may pinakamalaking tsansa para sa podium, na natupi sa kanyang Olympic debut kontra Joseph Cordina ng Great Britain via split decision, 2-1.
Nakuha ni Suarez, magdiriwang ng kanyang ika-28 kaarawan sa Agosto 14, ang iskor ng referee mula sa Turkey, 29-28, ngunit ibinigay ng hurado mula sa Morocco (29-28) at Uzbekistan (30-27) ang panalo sa Briton.
Sa mata ni Pinoy coach Nolito ‘Boy’ Velasco – tulad ng inaasahan — nagwagi umano si Suarez
“Sa tingin ko nanalo tayo,” aniya.
“Halos hindi na sumuntok sa third round ang kalaban. Wala naman pinakita, pero ganyan talaga. Puwede manalo, puwede matalo.”
Dahil sa maagang kabiguan, determinado ang nalalabing Pinoy, kabilang sina weightlifter Hidilyn Diaz (63kg) at Nestor Colonia (56kg) na nakatakda sumabak sa kanilang event sa Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Nakalinya rin si Rogen Ladon sa kanyang debut match kontra Yurberjen Martinez ng Columbia, nagwagi kontra Patrick Lourenco ng Britain, 3-0.
Matapos makakuha ng bye sa 49 kgs. class, kakailanganin lamang ng No.5 seed na si Ladon na magwagi ng dalawa para makasiguro ng bronze at apat para maging multi-millionaire.
Batay sa batas, nakahanda ang P10 milyon insentibo sa atletang Pinoy na makapagwawagi ng gintong medalya sa Olympics.
“Yung hindi ko nakamit baka makamit ni Ladon o sino man sa mga kasama natin,” sambit ni Suarez.