Hindi na makasasampa sa barko ang isang 26-anyos na seaman na nasawi matapos siyang tumalon mula sa bintana na nasa ikawalong palapag ng gusaling kanyang tinutuluyan sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sabog ang utak ni Khem Jalbuna, tubong Iloilo at pansamantalang nanunuluyan sa 8th floor ng 812 Plaza Tower sa Guererro Street, Ermita, Manila.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO3 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Homicide, na dakong 10:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Plaza Tower.
Sa salaysay sa pulisya ni John Levi Cardoza, kasamahang seaman ni Jalbuna, kadarating pa lamang sa Maynila ng biktima nitong Huwebes ng gabi, galing sa Iloilo.
Sinabi ni Cardoza na unang tinangka ni Jalbuna na tumalon sa bintana dakong 5:00 ng umaga kahapon, ngunit naagapan siya ni Cardoza at ng isa pang kasamahan na si Arth Jystien Quisaba.
Sinabi naman ni Aniano Quindao Jr., roommate ng biktima, na pinakain pa nila si Jalbuna matapos ang unang beses na nagtangka itong tumalon sa bintana at pinayuhan itong huwag nang ituloy ang pinaplano.
Gayunman, pagsapit ng 9:30 ng umaga ay nanghiram umano ng cell phone si Jalbuna kay Cardoza para tawagan ang ina at sinabing nais na niyang umuwi sa probinsya, na pinayagan naman ng ginang.
Pagkatapos nito ay tinawagan naman umano ni Jalbuna ang nobya nito at habang magkausap ay umakyat ang biktima sa pasamano ng bintana at tumalon.
Ayon kay Cardoza, sinabi sa kanya ng umiiyak na nobya ni Jalbuna na wala itong alam na dahilan para magpakamatay ang kasintahan. (Mary Ann Santiago)