Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan.
“Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.
PAGSASADIWA:
Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundos!—Ang Diyos ang laging gumagawa ng unang hakbang upang iligtas tayo, at ang dahilan ng pagliligtas niya sa atin ay ang dakila niyang pagmamahal. Hindi niya tayo pinipilit na mahalin din siya ngunit kung hindi natin tatanggapin ang pagmamahal na handog niya, para na rin nating tinanggihan ang ating kaligtasan.