Nabawi ng mga pulis ang isang 14-anyos na babae na dinukot ng lalaking kakikilala lang niya sa Facebook, makaraang matunton ang kinaroroonan nila ng suspek sa Malabon City, nitong Sabado ng hapon.
Nahaharap sa kasong abduction at paglabag sa R.A. 7610 (Ani-Child Abuse Law) si Mathew Tinio, 20, ng No. 7 Consuelo Street, Barangay Acasia, Malabon City.
Ayon sa mga magulang ng biktima, hindi na umuwi sa General Trias sa Cavite ang kanilang anak matapos umalis ng bahay nitong Biyernes.
Sinabi naman ng mga tricycle driver na nakita nila ang dalaga na hinahatak ng isang lalaki at sapilitang isinakay sa isang sasakyan, dakong 8:00 ng umaga nitong Biyernes.
Agad namang sinilip ng kapatid na babae ng dalagita ang Facebook account ng huli at nakita roon ang larawan ng biktima kasama si Tinio hanggang sa makuha niya ang address ng suspek.
Nabatid na halos dalawang linggo pa lang na magkakilala sa Facebook si Tinio at ang dalagita.
Kasama ang mga operatiba ng Malabon City Police, pinuntahan ng pamilya ng dalagita ang address ni Tinio at nabawi roon ang biktima, habang dinakip naman ang suspek na paulit-ulit ang paghingi ng tawad.
Hindi naman ginahasa ang dalagita, batay sa resulta ng physical at genital examination sa kanya. (Orly L. Barcala)