Ni MARIVIC AWITAN
Napanatili ng Ateneo Lady Eagles ang porma ng isang tunay na kampeon, sa kabila ng matinding ratsada ng Adamson Lady Falcons, para madagit ang 25-16, 25-16, 25-18 panalo at makisosyo sa liderato sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament nitong Sabado, sa Mall of Asia Arena.
Kumubra si two-time reigning MVP Alyssa Valdez ng 16 na puntos, habang humugot sina Amy Ahomiro ng 15 puntos at sophomore Jhoana Maraguinot ng 12 puntos para makamit ang 10-2 karta katulad ng La Salle Lady Spikers na naunang nagwagi sa bokyang University of the East.
Kapwa sigurado ang magkaribal na koponan para sa twice-to-beat na bentahe sa Final Four at tanging posisyon na lamang para sa top two spot ang kanilang pinaglalabanan.
“We had a not super ok game today, we had a lot of errors, we had miscommunications. We have to improve during practices for us to para maging consistent during games,” pahayag ni Valdez.
“Madami pang kailangan ayusin ’yung team and sana magkaroon kami ng consistent games this coming weeks,” aniya.
Nakatakda pang laruin ng Ateneo ang University of the East sa Abril 6 bago ang inaasahang patok sa takilyang duwelo sa La Salle sa Abril 10.
Sa men’s division, pormal na sinelyuhan ng defending champion Ateneo de Manila ang top spot papasok ng Final Four round matapos iposte ang ika-11 panalo sa pamamagitan ng 25-14, 25-20, 25-21paggapi sa De La Salle University sa San Juan Arena.
Nagtala ng tig-11 puntos sina Joshua Alexis Villanueva at reigning back-to-back MVP Marcl Espejo upang pangunahan ang nasabing panalo ng Blue Eagles na nagsemento ng kanilang pagkakaluklok sa top spot ng men’s division.
Nabuhayan naman ang sisinghap-singhap na kampanya ng University of the Philippines sa No.4 spot nang gapiin ang UST Tigers, 25-22, 25-19, 26-24.