Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus sa pagpipiraso ng tinapay.
Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos sabihin ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.)
PAGSASADIWA:
Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!—Ang pagbati ng kapayapaan sa mga alagad mula sa muling-nabuhay na Panginoon ay nangangahulugan na ang kapayapaan ay nagmumula sa kanya at ito ay kaloob niya sa mga mananampalataya.