Pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Hudas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, tinanong ng mga alagad si Hesus tungkol sa pagdarausan ng Hapunang Pampaskuwa para sa kanya.
Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Hesus kasama ang Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?”
Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat sa kanya, ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Hudas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Hesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
PAGSASADIWA:
Nagtanong din si Hudas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Hesus: “Ikaw na ang nagsabi.”—Bagamat malinaw kay Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, walang kaalam-alam ang ibang mga apostol kung sino ang magtataksil.
Kahit si Pedro na nanindigan sa kanyang katapatan ay itinatwa siya nang ito ay nasa kagipitan. Talagang hindi madali ang maging alagad ni Hesus, lalo na kung mukhang mas kapaki-pakinabang pa ang tumalikod sa kanya.