Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa Langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
“Kung mahal n’yo ang nag mamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid n’yo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
“Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa Langit.”
PAGSASADIWA:
Mahalin n’yo ang inyong kaaway.— “Mabuting Kaibigan, Masamang Kaaway.” Isang titulo sa pelikula ni Fernando Poe Jr., noong 1991. Pero parang iyan din ang takbo ng pakikitungo ng bawat isa sa kapwa. Natural lang na magalit o mapoot sa mga itinuturing na kaaway. Hindi puwede ‘yan! Inaanyayahan ni Jesus ang lahat na gayahin ang Diyos na todo-bigay sa pagmamahal kahit sa mga hindi marunong magmahal.
Para kay Jesus, hindi sapat ang mahalin ang kaibigan, kapatid, kapanalig, o kababayan. Hindi rin sapat na mahalin lang ang nagmamahal sa atin.