Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
“Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid.
PAGSASADIWA:
Puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya.— Mataas ang standard ni Jesus. Hindi puwede ang puwede na. Hindi katanggap-tanggap ang espirituwalidad na hilaw gaya ng espirituwalidad ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo na kalimitan ay pakitang-tao lang. Hindi lang ang panlabas na aspeto ng Batas ang kailangang sundin kundi ang diwa at layon ng Batas.