Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay kaya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya.
“Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto n’yong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.”
PAGSASADIWA:
Gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo.— Ang pananalig na ipinagkakaloob ng Diyos ang anumang kailangan ng mga sumusunod sa kanya ay nauuwi sa pagtitiwalang kabahagi ang tao sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa mundo. Tulak ng pananalig sa Diyos ang paghingi, paghahanap, at pagkatok. Kaya ang habilin ni Jesus ay magtaya at manalig na taglay ang katiyakang magbibigay ang Amang hinihingan. Kaya hindi dapat mag-alinlangan sa paglapit.