Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Sinabi naman ni Jesus sa lahat: “Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na maligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?”
PAGSASADIWA:
Kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin.— Walang Kristiyano kung walang krus. Bahagi ng buhay ang hirap at sakit. Kaya nang yakapin ni Jesus ang ating pagkatao upang makiisa sa atin, niyakap din niya ang pagdurusa nang lubusan hanggang sa kamatayan. Nararapat lang na yakapin din naman natin ang sarili nating mga krus sa buhay.