PINAG-AARALAN na ng emergency committee ng World Health Organization (WHO) kung dapat nang ituring na pandaigdigang health emergency ang epidemya ng Zika virus na pinaniniwalaang nasa likod ng nakababahalang pagdami ng kaso ng seryosong birth defects sa South America.
Nagbabala noong nakaraang linggo ang ahensiyang pangkalusugan ng United Nations na ang virus na dulot ng kagat ng lamok ay “spreading explosively” sa Americas, at inaasahan nang aabot sa apat na milyong kaso ng sakit ang maitatala sa rehiyon ngayong taon.
Matindi ang hamon sa WHO upang agad na tumugon sa laban kontra sa Zika, matapos na aminin nito na naging mabagal ang pagtugon ng ahensiya sa epidemya ng Ebola na nakaapekto sa malaking bahagi ng kanlurang Africa noong nakaraang taon.
Bagamat bahagya lamang ang mga sintomas ng virus na ito, iniuugnay naman ito sa pagdami ng kaso ng microcephaly, isang kondisyon na ang sanggol ay isinisilang na mas maliit ang ulo at utak.
Bagamat hindi pa napatutunayan na ang mga kaso ng microcephaly ay dulot ng Zika virus, nagbabala noong nakaraang linggo si WHO chief Margaret Chan na ang ugnayang ito ay “strongly suspected”.
Hinihinala ring ang Zika ay may kaugnayan sa isang neurological disorder na tinatawag na Guillain-Barre syndrome.
Oktubre noong nakaraang taon nang naglabas ng alarma ang Brazil, ang bansang pinakamatinding apektado nito, matapos na dumami ang mga kaso ng microcephaly sa hilaga-silangan.
Simula noon, may 270 kumpirmadong kaso na ng microcephaly at 3,448 pinagsususpetsahang kaso, na tumaas mula sa 147 noong 2014.
Sa harap ng pagkabahala sa biglaang pagdami ng mga kaso ng microcephaly, nagbabala na rin ang Colombia, Ecuador, El Salvador, Jamaica, at Puerto Rico sa kababaihan na ipagpaliban ang pagbubuntis hanggang sa makontrol ang epidemya ng Zika.
Ang mga pagkabahala dahil sa Zika ay kumalat na hanggang sa labas ng mga apektadong bansa sa Europe at North America, na dose-dosenang kaso ang natukoy sa mga taong nanggaling sa pagbabakasyon o sa pagnenegosyo sa ibang bansa.
Sa hangaring malinawan ang dapat na maging tugon sa epidemya, nanawagan si WHO chief Margaret Chan ng pulong sa emergency committee ng organisasyon upang matukoy kung dapat bang ikonsiderang “public health emergency of international concern” ang Zika. (Agencé France Presse)