KASABAY ng sunud-sunod na pagdami ng dinadapuan ng dengue, ang unang bakuna laban sa naturang sakit ay pinagtibay ng Food and Drug Administration (FDA), isang ahensiya ng Department of Health (DoH). Ito ay maituturing na isang ‘giant step’ sa pangangalaga ng kalusugan, lalo na ngayon na kabi-kabila ang pagdedeklara ng state of calamity dahil sa dengue epidemic sa iba’t ibang sulok ng bansa. Sa huling tala, umaabot sa 150,000 ang dengue cases sa buong kapuluan.
Ang nabanggit na bakuna—ang Dengvaxia—ay mabibili na ngayon makaraang ito ay dumaan sa masusing pagsusuri ng FDA.
Makatutulong ito nang malaki laban sa naturang sakit na ikinamatay na ng maraming pasyente. Ang dengue ay hatid ng mga lamok na namumugad sa mga kanal at sa nakaimbak na tubig. Dahil sa sinasabing kamahalan ng naturang bakuna, ang malaking katanungan ngayon: Paanong makabibili nito ang maralitang pasyente na karaniwang nagiging biktima ng dengue?
Natitiyak ko na ang DoH ay may sapat na kakayahan upang matugunan ang pondong kailangan sa pagbili sa naturang bakuna. Bukod dito, hindi dapat mag-atubili ang administrasyon upang paglaanan ng kaukulang halaga ang Dengvaxia mula sa bilyun-bilyong pisong pondo ng conditional cash transfer (CCT). Ang naturang pondo ang itinutustos sa maralitang mga mamamayan na nasasakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sapagkat ang halos lahat ng biktima ng dengue ay mahihirap na pamilya, sila ay may karapatan ding makinabang sa CCT funds; lalo na kung iisipin na bukod sa sila ay mahirap, may karamdaman pa. Hindi lamang pagkain ang kanilang problema. Higit na kailangan nila ang pambili ng gamot at dugo na kailangang kaagad isalin sa mga dinapuan ng dengue.
Hindi tayo dapat maging kampante sa inaasahang epekto ng Dengvaxia sa paglipol sa dengue virus. Mapanganib din ang MERS-CoV (Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus) at ang bagong dating sa bansa na Zika virus. Ang mga ito ay naghahatid din ng iba’t ibang sakit na hindi dapat ipagwalang-bahala ng sambayanan at ng mismong gobyerno.
Lagi nating itanim sa isip ang mga tagubilin laban sa nabanggit na mga mikrobyo. Tandaan natin: Ang kalusugan ay kayamanan. (CELO LAGMAY)