Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Dumarating ba ang ilaw para takpan ang salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na hindi malalantad. Makinig ang may tainga!”
At sinabi niya sa kanila: “Isip-isipin n’yo ang inyong naririnig. Sa sukatang ginamit ninyo, susukatin ang para sa inyo at higit pa ang ibibigay sa inyo. Bibigyan pa nga ang meron na ngunit kung wala siya, aagawin sa kanya kahit na ang nasa kanya.”
PAGSASADIWA
Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan?— Inihahalintulad ang buhay ng mga sumusunod kay Kristo sa ilawan. Ang lahat ng nabubuhay sa kanya ay tulad ng isang liwanag sa karimlan. Inilalantad para maging tanglaw sa mundo, at hindi itinatago. Nangyayari ito kapag naabot ng tao ang kanyang potensyal, kapag nagagamit nang ganap ang kanyang talino at kasanayan, at hindi lamang para sa sarili kundi para sa lahat.