Pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at may gusto ring isumbong kay Jesus. Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga.
At sinabi naman niya sa taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.” At saka niya sila tinanong: “Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At ‘di sila umimik.
Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sinabi sa lalaki: “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito.
Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.
PAGSASADIWA
Ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga?— Magandang katanungan ang ipinukol ni Jesus sa mga Pariseo. Ano nga naman ang puwede kung napakaraming bawal? Ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama?
Nakagugulat ang makahulugang katanungan ni Jesus. Malinaw ang direksiyon, at nakapagtuturo ng aral. Kaya hindi natin maikakaila, masasagot ito kahit ng isang bata. Supalpal ang mga Pariseo, ‘ika nga.