Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.
PAGSASADIWA
Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon nanalangin.— Mahalagang bahagi ng misyon ni Jesus ang pagpunta sa ilang na lugar para makaniig ang Ama. Sa pagitan ng kanyang paglilibot, pangangaral, at pagpapagaling mula Capernaum papunta sa iba pang bahagi ng Galilea, nakita natin ang ritmo at daloy ng pagkilos at pahinga, ng paggawa sa kalooban ng Ama at pagkikilatis nito, ng pagbibigay at pagtanggap, at muling pagbabahagi. Napakagandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus. Siya na Anak ng Diyos ay naghahangad na makapiling ang Ama sa tuwina.