Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali.
Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano.
Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.”
At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
PAGSASADIWA
Sinundan siya ng maraming tao.—Sa simula pa lamang ng misyon ni Jesus, ipinakikita na ng ebanghelyo (ayon kay San Mateo) na siya ang kaganapan ng propesiya ni Isaias. Bahagi ng kaganapan ang Galilea at mga karatig na pook, ang lupain ng tribu nina Zabulon at Neftali, at ang mga naninirahan doon, Judio man o Hentil.