Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari, mga guro ng Batas at matatanda ng mga Judio: “Ano sa palagay n’yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”
At tinanong sila ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n’yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”
PAGSASADIWA
Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran.—Malinaw ang kahulugan ng talinhagang ito: ang mga pangulo ng mga Judio ang panganay na nagsabing susunod sila sa sinabi ng Ama pero hindi pumaroon sa ubasan; ang mga maniningil ng buwis at mga bayarang babae naman ang ikalawang anak na nagsabing hindi siya paroroon sa ubasan, pero kinalaunan ay pumaroon din. Ipinapakita lamang ng talinhagang ito ang larawan ng dalawang may-kapintasang tao, pero ang sumunod sa Ama sa katapusan ang pinagpala.