Inabot ng halos limang araw bago napansin ng airport authorities na palabuy-laboy ang isang Polish sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at 2 matapos tangayin ng isang taxi driver ang mga gamit nito, pagdating sa bansa.
Nanginginig pa ang buong katawan ni Tomasz Chalot Stanislaw, 41, nang matagpuan ng airport authorities sa loob ng isang palikuran sa NAIA na ginawa nitong tulugan dahil sa kawalan ng perang maipambabayad sa hotel sa kanyang pagdating sa Pilipinas noong Disyembre 7.
Napag-alaman ng airport security na bumalik sa Pilipinas si Stanislaw upang pakasalan ang kanyang Pinay na girlfriend na nakilala niya sa Butuan City apat na buwan na ang nakararaan.
Sa kanyang pagdating sa NAIA noong Lunes, kumuha siya ng taxi at ikinarga ang kanyang mga bagahe. Ngunit nang saglit na iwanan ang taxi upang bumili ng mineral water, kumaripas ang sasakyan dala ang kanyang mga bagahe, kasama ang kanyang wallet at travel documents.
“I roamed around NAIA terminal 1 and 2 to find someone who can help me for my food and at night I slept at the comfort room at the Terminal 1 curbside,” ayon kay Stanislaw.
Agad na binigyan ng biskuwit at tubig si Stanislaw ng mga building attendant bago siya dinala sa airport clinic upang isailalim sa check-up.
Nakatakdang bumalik si Stanislaw sa Poland dakong 4:00 ng hapon kahapon, sakay ng China Airlines, ayon sa ulat.
(Ariel Fernandez)