Isang Indian ang tinangayan ng kanyang kinita sa pautang sa five-six matapos holdapin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Quezon City, nitong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jasvir Singh, 47, pansamantalang nakatira sa Barangay Tatalon, Quezon City.
Lumitaw sa imbestigasyon na katatapos lang mangolekta ng pera si Singh mula sa kanyang mga kliyente nang mapansin niyang binubuntutan siya ng dalawang lalaki na sakay sa isang motorsiklo habang binabaybay niya ang NIA Road sakay ng isa ring motorsiklo dakong 12:30 ng tanghali noong Huwebes.
Pagsapit niya sa tapat ng Manila Seedling Bank sa Diliman ay dinikitan siya ng dalawang suspek sabay bunot ng baril at nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga salarin ang wallet ng biktima na naglalaman ng P4,000 cash.
Hindi pa nakuntento ang mga suspek at inatasan ang biktima na ibigay ang kanyang lisensiya at motorsiklo na ginamit ng isa sa mga salarin sa pagtakas nito. (Vanne Elaine P. Terrazola)