Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit.
“Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGSASADIWA:
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit.—Dalawang bagay ang ipinaaalala sa atin ng Panginoon: (1) Sa pamamagitan lamang ng gawa at hindi sa salita mapatutunayan kung panig nga ba tayo sa Panginoon o hindi.
Hindi maaaring palitan ng magagandang salita ang gawa na nagpapakita ng kabutihan. (2) sa likod ng katotohanang ito, ipinaaalala sa atin na may hangganan ang pagkukunwari at darating ang panahon na lalabas ang tunay nating kulay.