Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGSASADIWA
“Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon.—Dito ay binabalaan tayo na huwag masyadong mawili at magpasarap sa buhay dito sa mundo sapagkat wala rito ang tunay nating buhay at tahanan. Pinaaalalahanan tayo na laging maging handa para sa pagdating ng Araw ng Panginoon.
Ang wakas ng panahon ay magmimistulang bitag ng kapahamakan sa mga nagpasasa sa kamunduhan. Samantala, ito naman ay magiging pinto ng kalayaan para sa mga nabuhay nang matuwid at banal ayon sa kalooban ng Diyos—kalayaan para makapasok sa walang hanggang kaligayahan sa piling ng Maylikha.