Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Bago sumapit ang lahat ng ito, dadakpin kayo at uusigin; ibibigay kayo sa mga sinagoga at dadalhin sa mga kulungan at ihaharap sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Sasapit ito sa inyo para makapagpatotoo kayo sa akin.
“Isaisip n’yo na huwag ikabalisa ang pagtatanggol sa inyong sarili dahil ako mismo ang magbibigay sa inyo ng mga salita at karunungang hindi matatagalan o masasagot ng lahat n’yong kaaway.
“Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at papatayin nila ang ilan sa inyo. At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit hindi maaano isa mang buhok sa inyong ulo. Sa inyong pagpapakatatag, ang mga sarili n’yo mismo ang inyong makakamit.”
PAGSASADIWA
Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.— Ang bahaging ito ng ebanghelyo ay karugtong ng Ebanghelyo kahapon, at dito ay binabalaan ni Jesus ang mga nakikinig sa kanya tungkol sa darating na pag-uusig dahil sa pagsunod sa kanya. Sa pagdaan ng panahon, maraming mga martir na ang naghandong ng buhay at nagtigis ng dugo dahil sa katapatan nila kay Kristo. Sa ating panahon rin, marami pa rin dito at sa ibang bansa ang inuusig dahil sila’y mga Kristiyano. Ang nabubuhay kay Kristo ay mamamatay din kay Kristo. Ang namamatay na nananampalataya kay Kristo ay para kay Kristo. Ang namamatay na nananampalataya kay Kristo ay mabubuhay ding muli kay Kristo at katulad ni Kristo.