Gilas Pilipinas team, 100 % attendance sa unang ensayo para sa 2016 Olympic Qualifying tournament.
Muling nagkita-kita ang Gilas Pilipinas national team nitong Lunes sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig City para sa kanilang unang ensayo sa 2016 Olympic Qualifying tournament.
Tuwang-tuwa naman si Gilas Pilipinas coach Tab Baldwin sa 100 porsyentong attendance ng mga kinikilalang basketbolista sa bansa.
Gayunman, kahit kumpleto ang presensiya ng 17-man national team, hindi naman nakapag-ensayo si Ranidel De Ocampo, na nakaupo lamang dahil sa tinamo nitong injury sa likod bunga ng weight lifting.
Binati naman ng grupo si San Miguel slotman June Mar Fajardo, na hindi nakasali sa 2015 FIBA Asia Championships dahil sa kanyang problema sa paa, samantalang si Gilas mainstay Jayson Castro at breakout star Terrence Romeo ang namuno naman sa pag-ensayo.
“We have 100% attendance,” ani Baldwin. “It’s a new team and it has a different identity.”
Nabatid na ang kondisyon ni De Ocampo ay umaayos na. Samantala, hindi rin nagsipag-ensayo sina Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, at Paul Lee dahil sa mga sariling dahilan pero sumipot sila para sa attendance.
Nakatakdang makipag-tunggali ang Pilipinas sa Olympic Qualifying Tournament sa susunod na taon samantalang nasa proseso pa ng pakikipag-usap ang pamunuan upang maging host ang bansa sa tatlong tournament.
Inihayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios na nakahanda na sila para sa pormal na pagbi-bid, at isasaad nila dito ang kagustuhan ng mga Pilipino sa basketball at iba pang organizational skill.
Magugunitang, nabigo rin ang Pilipinas na mag-host sa 2019 FIBA World Cup at nasungkit ito ng bansang China.
(AbsCbn Sports)