Sinabi ni Jesus na may magkakanulo sa kanya. Tinanong siya si Simon Pedro kung sino iyon. Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsawng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Kaya lumabas agad si Judas… Tinanong siya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin kung saan ako pupunta; susunod ka pagkatapos.” “Panginoon, bakit hindi kita masusundan? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “…Hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
PAGSASADIWA
Susunod ka pagkatapos. ● Pagbibigay din ng sarili ang ginawa ni Jesus sa huling hapunan. Ganito rin ang ginawa niyang pag-aalay ng sarili kay Judas nang pumiraso, isawsaw, at ibigay niya ang tinapay. Tanda ito ng malalim na pakikipagkaibigan sa kaugaliang Judio. Kung tinanggap sana ito nang bukal sa puso, pumiraso, nagsawsaw, at nagbigay rin sana si Judas ng tinapay kay Jesus. Pero hindi ito ang nangyari. Sa kabila ng pagdurusa, nanatili si Jesus na nagbibigay. Sunod sa halimbawa ni Jesus ang pagbibigay ng sarili ni Pedro. Iyan ang kanyang propesiya. Nangyari naman ang pahayag ni Jesus.