Duguang humandusay ang isang lalaki na sinasabing nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot, makaraan itong pagbabarilin ng mga pulis matapos nitong i-hostage ang isang pitong taong gulang na babae sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot si Charlito Rasonabe Jr., 26, ng Phase 7-C, Package 5, Barangay 176, Bagong Silang, dahil sa tama ng bala sa ulo at katawan.
Ligtas naman at walang tinamong galos ang biktima na nakatira sa kuwartong kalapit ng suspek.
Kuwento ng ama ng biktima, dakong 7:00 ng umaga nang biglang pumasok sa kanilang bahay si Rasonabe na may hawak na patalim at sumpak.
Dilat na dilat ang mga mata, hinila nito ang biktima at tinutukan ng patalim sa dibdib.
Dumating ang mga tauhan ng Special Reaction Unit-Special Weapons and Tactics (SRU-SWAT) ng North Extension Office (NEO) ng Caloocan City Police at pinakiusapan ang suspek na pakawalan ang bata.
Nagmatigas si Rasonabe hanggang sa makakuha ng pagkakataon ang sniper ng SRU-SWAT at mabaril siya.
Ayon sa mga kapitbahay, tatlong araw na umanong hindi kumakain ang suspek at bangag sa ilegal na droga bago nangyari ang hostage-taking.