Ni GENALYN D. KABILING
Isang taon matapos ang pananalasa ng super typhoon Yolanda sa Eastern Visayas, patuloy pa rin ang pagbuhos ng foreign donation para sa mga biktima ng kalamidad na umabot na sa P73 bilyon.
Base sa datos ng Foreign Aid Transparency Hub (FAITH) website, ang cash donation ay umabot na sa P45.109 bilyon habang ang non-cash assistance ay nasa P28.198 bilyon.
Umabot na rin ang rehabilitation assistance pledge ng mga foreign government, organisasyon at pribadong indibidwal sa P17.248 bilyon.
Kabilang sa mga pinakamalaking naibigay na donasyon para sa mga Yolanda survivor ay Japan (P27.9 bilyon), United Kingdom (P11.8 bilyon), United States (P4 bilyon), Germany (P10 bilyon), Australia (P4.5 bilyon), Canada (P1.7 bilyon), Norway (P1.5 bilyon), at European Union (P1.2 bilyon).
Upang maitaguyod ang transparency at accountability, itinatag ng gobyerno ang FAITH website upang masubaybayan ang mga foreign aid na bumuhos mula sa iba’t ibang bansa at organisasyon bilang tulong sa mga komunidad na hinagupit ni Yolanda.
Ilang ulit na rin nagpasalamat si Pangulong Aquino sa international community sa kanilang kagadahang-loob sa pagtulong sa mga naapektuhan ng super typhoon.
Sa kabila ng patuloy na pagbuhos ng foreign aid, umani ng batikos ang administrasyong Aquino dahil sa mabagal na pagpapatupad ng pamahalaan sa rehabilitasyon at pagkukumpuni ng mga nawasak na kabayahan at imprastraktura sa mga nasalantang lugar.