Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Magingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”
PAGSASADIWA
Katitisuran at magpapabagsak sa tao. ● “Iskandalo” ang tawag dito, na tumutukoy sa hadlang o silo na sanhi ng pagkahulog ng isang tao sa bitag. Sa Ebanghelyo, ang iskandalo naman ang siyang dahilan kung bakit nawawalan ng tiwala sa Diyos ang mga mananampalataya, lalo na ang mga maliliit, at naghahatid ito sa kapahamakan. Ang iskandalong tinutukoy ni Lucas ay di lang ’yung galing sa labas, at madalas nang mangyari kundi ’yung mga nagmumula sa pamayanan ng mga mananampalataya. Sa mga ganitong pagkakataon, ang atas ni Jesus ay pangkapatirang pagtutuwid. Pagkatapos nito, nararapat matutong magpatawad palagi—pitong beses sa isang araw kung kailangan—at sama-samang humingi ng mas malalim na pananampalataya. Ang pananampalatayang kasinlaki ng buto ng mustasa ay maaaring mamunga ng kamangha-manghang gawa. Sa harap ng iskandalo na malaking pabigat sa puso, mahirap magpatawad.