Sinabi ni Jesus sa pinuno ng mga pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at suklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo. at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.”
PAGSASADIWA
Hindi ka nila masusuklian. ● Natural lang naman na umasa na kikita ang ating puhunan tulad ng oras, talento, at yaman (‘di nga ba sa pagbibigay tayo nakatatanggap?). madaling tumulong sa mga taong maaasahan din nating tutulungan tayo kapag tayo naman ang mangailangan. pero ang sinasabi ni Jesus, mamuhunan tayo sa mga taong walang kakayahang makaganti sa atin ng kagandahang-loob. Mungkahi niyang tumulong tayo sa mga mahihirap, pilay, at bulag habang walang hinihintay na kapalit, kundi pasalamat kuhg sakali man. Sa pagpapahayag ng mga pinagpala, tinawag ni Jesus na mapapalad ang mahihirap. Nakalaan ang Kaharian ng Diyos sa mga mahihirap, mga pilay, mga bulag—sila ang mga pangunahing tagatanggap ng mabuting Balita ni Jesus. Bilang mga alagad ni Jesus, sa ating pagkalinga sa kanila, natutulad tayo sa ama na nagbubuhos ng kanyang pagmamahal sa atin na di naghihintay ng kapalit.