Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng lakas at kapangyarihan para supilin ang lahat ng demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sinugo niya sila upang ipahayag ang Kaharian ng Diyos at magbigay-lunas. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad, ni tungkod, ni supot, ni tinapay, ni salapi; huwag kayong magkaroon ni tigalwang bihisan. Sa alinmang bahay kayo nakituloy, doon kayo tumigil hanggang sa pag-alis ninyo. Kung may hindi tatanggap sa inyo, umalis kayo sa bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal laban sa kanila.” Kaya nga lumabas sila at dumaan sa lahat ng bayan na nangangaral at nagpapagaling saanman.
PAGSASADIWA
Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglakad. ● Kapag ang isang tao’y hindi nabibigatan sa mga alalahanin sa mundo, ang bawat kahanga-hangang gawaing kanyang natutupad ay para sa higit pang kaluwalhatian ng Diyos. Nananatili siyang mapagkumbaba at itinutuon ang lahat ng pansin sa Diyos. Hindi mahirap makatagpo sa kasalukuyan ng mga ministro, mangangaral, at tagapagpagaling na natutuksong itaas at dakilain ang kanilang sarili. Totoo namang nakalalasing ang kasaganaan at papuri ng mga tao. Sa hindi pagdadala ng anuman sa paglalakbay, nananatili ang ating pagtupad sa layunin, sinusunod natin ang nakatakdang gawain, at lumalaki ang ating pagtitiwala na ipagkakaloob ng Diyos ang ating mga pangangailangan.